Huwebes, Setyembre 18, 2014

Ano nga ba ang tunay na layunin ng pagpapatupad ng K-12 Kurikulum?

          
        Ano nga ba ang K-12? Ang programang ito ay sinimulan ng ipinatupad ng pamahalaan noong school year 2012 na naglalayong baguhin ang sistema ng edukasyon sa ating bansa. Sa buong asya tanging ang Pilipinas na lamang ang mayroong sampung taon ng basic education, kaya naman ipinatupad ng pamahalaan at ng Kagawaran ng Eduksayon ang K-12 Kurikulum. Sa programang ito, ginawang mandatory ang pagpasok ng mga bata sa kindergarten, nagkaroon din ng junior highschool (grade 7-10) at senior highschool (grade 11-12). Noong taong iyon 2012, maraming nagsasabi na nagkulang ang pamahalaan sa mga paghahanda sa pagiimplementa nito, ngunit sa nakalipas na buwan ngayong taong ito, may iilang nagsasabi na hanggang ngayon ay kulang pa rin ang mga libro na akma sa bagong kurikulum na gagamitin ng mga magaaralyon, bagamat  inamin ng  Kagawaran ng Edukasyon, na naantala ang pagpapadala ng mga materyales sa mga ibang pampublikong paaralan. 

             Sa pagpapatupad ng programang K-12, marami pa rin sa atin ang hindi sumasangayon sa pagpapatupad nito at ang ilan sa atin ay sumasangayon dito. Ngunit ano nga ba ang tunay na layunin ng programang ito. Para sa pamahalaan, layunin ng K-12 na pataasin ang kalidad ng edukasyon at paunlarin pa ang ekonomiya ng ating bansa. Layunin din nito na mas ihanda ang mga kabataan sa pagtatrabaho, kapag natapos ang mga kabataang ito sa hayskul, nasa sapat na silang gulang (18 taong gulang) at sapat na kakayahan upang maghanap ng magandang trabaho, junior high school pa lamang ay maari na silang makakuha ng certificate of competency level 1, basta makumpleto nila ang requirements ng TESDA at maipagpatuloy ito sa senior high school upang pag sila'y nakapagtpos, maari na silang makakuha ng trabaho. Maganda nga ito! Para sa mga kabataang walang panustos sa pagpapatuloy sa kolehiyo. Nakakatulong rin ito sa mga kabataan upang masispecialize ang kursong nais nila. 
          Ngunit kung may mga positibong layunin, marami din namang mga negatibong layunin ang programang ito ayon sa iilan. Ang pagpapatupad daw ng K-12 ay upang makalikha ng mga semi-skilled na manggagawa upang matugunan ang pangangailangan ng mga dayuhang korporasyon at dayuhang pamilihan ng paggawa. Dahil na rin sa maaari nang makapagtrabaho ang mga kabataan pagkatapos ng hayskul, iilan na lamang ang nanaising makapagtapos ng kolehiyo dahilan upang babaan ang badgyet sa edukasyon. Hindi daw ang pagpapatupad ng K-12 ang solusyon sa mababang kalidad ng edukasyon sa ating bansa, ayon nga kay Trillanes, “Mas makabubuti para sa ating bansa kung hindi muna ipatutupad ang K to 12 Program hanggat hindi pa nasosolusyunan ang mga problema sa sistema ng ating edukasyon tulad ng kakulangan sa mga silid-aralan at kagamitan ng mga estudyante, at ang kakulangan sa mga guro at ang kanilang mababang sahod,”.

        Iba iba ang pagtingin natin sa layunin ng pagpapatupad ng K-12, ngunit sana kung ano mang tunay na layunin ng pamahalaan sa pagpapatupad nito ay para sa kapakanan ng mga Pilipino. Panahon na, upang Pilipino naman ang ating bigyang importansya, at hindi ang mga dayuhan. Huwag nating hayaang ang ibang mga bansa ang makinabang sa ating mga pinakamahuhusay na mangangawa. Marami mang oportunidad sa ibang mga bansa, matuto tayong tumingin sa ating pinaggalingan, ang  Inang bayan naman ang ating pagsilbihan.  Ayon nga kay Rizal, " Ang mga Kabataan ang pagaasa ng ating Bayan", kaya't patunayan nating mga kabataang tayo nga ang pagasa at magpapaunlad sa ating bansa.